Archive for May, 2008

Si King! hehehe

Sunday, May 25th, 2008

(Kung may ma-offend man, nagsosorry na ko ngayon pa lang. at kung ikaw si King, naku wag mo nang ituloy ang pagbasa, na-miss ko lang ang elementary at nagkataong ikaw ang pinaka maraming pauso. hehehe)

Maliit, chubby, maitim – este kayumangging kaligatan pala – at makulit. Parang bading din pero sino ba naman ako para magsabi? hehehe

Di ko alam kung baket pero bigla ko na lang naisip si King. King Kong Kablong o King Philip Ocampo. Kaklase ko nung elementary. Akala ng mga tita ko dati best friend ko sya. Madalas kasi kami magkasama sa galaan at kung anu-anong mga trip. Di ko rin alam kung bat ako sumasama sa kanya saka kung bat kami magkasundo. Siguro dahil akala ko bading sya, safe kung baga. Di ko rin alam kung saang mga bagay kami magkasundo kasi madalas din kaming mag away. Hmmm. Basta, ewan.

Nagpupunta ata ako dati sa kanila kasi may nagpapahire ng comics dun sa malapit, e adik ako sa comics bukod sa subscriptions gusto ko pang magbasa ng iba, lagi akong nagpapsama sa kanya tas tambay sa kanila para magbasa. Ayoko kasi sa bahay namin, maid lang kasama namin. Minsan din pumupunta kami kina Aiza (best friend ko) para manuod – at i-role play – ng hirayamanawari. Kapit bahay sila ni Aiza, malapit sa school ng kapatid kong nasa pre-school na sinusundo ko. Tambay muna habang naghihintay sa uwian ng kapatid ko. Sa sobrang adik pa nga dati, napasarap ang kwentuhan, umuwing mag isa yung kapatid ko (4y/o) napagalitan ako pagdating sa bahay.

Di ko alam kung grade 2 o grade 3 namin naisipang itayo ang fuzzy-wuzzy club (gahd, anung pangalan yun??) galing sa laruan na binebenta sa archie comics, yung dinidikit sa kamay tas may kuryente effect pag nakipag shake hands. Brilliant noh? Isa si King sa mga nauto namin na ‘neophytes’. Mabilis din naman namin na-outgrow yung club kaya lugi pa sila sa initiation. Yung kalaban nga pala namin sa habulan nun panalo din ang pangalan – Kissable Lips. Wag nyo kong tanungin kung san nila nakuha yun, di ko rin masasagot. Bukod sa pointless na habulan (parang rambol nung dalwang clubs, may mga stick-on tattoos na binubura pag nahuli yung opponent team), marami pang sumunod na mga pauso – Jogan, Magic temple, imbentuhan ng pangalan, Bahoya family, atbp.

Lumipat kami ng bahay nung grade four, lumipat din sina King malapit samin. Ayus! Dinadaanan ko sya pagpasok madalas tas sabay din kami pauwi. Madalas na trip namin yung lutu-lutuan saka tamang gala lang. madalas samin yung venue, may maid kasi na tagaligpit ng kalat, at tagasumbong. Minsan natripan din nilang maligo sa ilog, di ko sure kung kasama ‘ko, tapos samin naki-banlaw. Sya lang ang lalaki nun. Napagalitan ako kasi sinumbong ako nung maid namin na nagdala pa daw ng additional na magkakalat sa bahay.

Nauso yung cartoons na sky dancers, naging alias nya yung pangalan ng kontrabida – Sky clone. Hindi ko na idedetalye kung anu-anong similarities nila.

Si King ang dahilan ng unang beses kong mapagalitan ng teacher. Takot ako sa mga teachers dati. Kung sasabihin nyong hindi nauso sa school nyo yung dinidikitan sa likod ng notes

gaya

ng “batukan mo ako” o kaya “hindi ako naligo” ang ibang bata, hindi ako maniniwala. Bleh! Hehe. Dahil samin, sobrang patok to. Syempre dahil patagong maldita ako, di ko napigilang makiuso. Kaso lang naubusan na ng tape nun. Kelangang mag improvise, nakakuha ako ng paste, bwahahaha! Sino nga ba ang biktima? Dahil inagawan nya ko ng upuan, jackpot ang lolo nyo. Yun nga lang nung narealize na nya (naisip ko lang, malamig nga pala sa likod ang paste kaya imposibleng di nya maramdaman). Umiyak sya dahil madumi na yung shirt nya. Oh no! Syempre, dahil elementary yon, may nagsumbong sa teacher. Tegibelle ang lola nyo, sabon galore sa teacher. Di na daw ako nahiya, ka-babae kong tao nagpapaiyak ako ng lalake. Pagkatapos nun, chika na ulit kami after a few days.

Grade 6.

Home economics, maggagawa kami ng guava jelly. Groupmate namin si King. Sya ang bumili ng bayabas at nagpiga ng mainit na katsa. Medyo

malabo

nga lang yung juice nun, bat kaya? Hehehe. Hindi ko na matandaan yung saktong rason kung bat sya nagalit samin. Baka dahil sya yung pinaghugas namin ng kaldero? Basta, naghuramentado sya, hindi yun exaggeration ha, inambaan nya kami ni Nikki ng kutsilyo. Nakatingin sa kisame habang ginagawa yun, nakakatawa na lang pagkwentuhan ngayon pero scary yun, lalo na’t naisip namin na di manlang ba kami gagraduate muna ng elementary bago mag babu to the world? Kumalma naman din sya after the performance.

Kung may ginawa mang matino si King na ipagpapasalamat ko, yun ay nung pinag-away nya kami ng best friend ko. Magpinsan kasi sila, tas nung grade 5 lumipat na sila ulit ng bahay kaya sabay na sila lagi umuwi ni Aiza. Dahil matagal kaming nagchichikahan, madalas hindi na sumasabay sa kanya si Aiza tas ako palagi yung kasama. Infairness, hanep sa effort, nagawan nya ng paraan para hindi kami magpansinan. Naalala ko pa, sinabi nya sakin dati na “Wala ka nang best friend Mary June. Kontrolado ko na ang isip nya [aiza]”. Panalo!!! Hehehe. Buti na lang mabait yung intern namin, sya yung gumawa ng paraan para makapag communicate kami ulit. Lost nanaman si sky clone. Pero thankful talaga ko dahil kungdi nya ginawa yun, hindi siguro kami naging best friends forever and ever amen. Saka kung di namin siguro kaklase si King, wala kaming masyadong pagkkwentuhan pag reunion. Kaya on behalf of the whole class of

Baras

Elementary School

1998, section one, apir para kay…

(banggitin sa tonong ginagaya si Kapitan Basa ng Batibot)

King… Kong… Kabloooong!

Bow.

potek….

Sunday, May 25th, 2008

Tagal na din mula nung una tayo magkakilala. Pareho tayo ng topak at mga trip sa buhay. Sabay nating sinubukang gumawa ng isang bagay galing sa kung anu anong karaniwang hindi pinapansin ng iba. Syempre nagkatangahan muna tayo kung anong gagawin nang biglang *ting!*.

Tara

, gawa tayo ng paso! Gawa tayo ng bagay na pwedeng pakinabangan galing sa dumi kung ituring ng iba. Potters ang drama natin, ayos, hanap na tayo ng materyales. Putik, konting tubig at potter’s wheel. Kelangan ng tamang consistency ng putik para maihulma ng maayos. Sabi naman sayo malabnaw pa e, pero atat ka masyado sinalang mo agad sa mabilis nang umiikot na potter’s wheel. Yun, putik everywhere! Sabi na kasing hindi makakatagal sa mabilis na ikot ng gulong. Nauwi sa maruming pader ang obra

sana

nating dalawa. Hindi ko na kinareer ang paninisi sayo kasi sobrang irita ko na nun. Nilayasan na lang kita. Di ko na inintindi kung sinong maglilinis ng kalat, kaya mo na yun may kasama ka naman e. Yoko na, sabi ko, bahala ka na dyan. Kala ko tapos na don.

Episode 2

Adik nga naman talaga yang si manong Ted Hanna no, lakas mang trip. Nilagay nanaman tayo sa iisang kalsada. Habang pareho tayong naglalakad ng nakatungo, nagkauntugaan tyo. PMS. Patay ka. Bumuga ko ng apoy, sunog ka. Kala ko tatakbo ka na pagkatapos non, pero matigas nga pala muka mo. Tinawanan mo lang ko, kaya natawa na rin lang ako. Kumustahan, kwentuhan, sumbatan ng mga dating kasalanan, tawanan ulit. Ngkatanungan tayo kung ano nga bang hinahanap natin sa lupa. Naghahanap ako ng halamang pwedeng ipalit sa cactus kong namatay. Hinahanap mo naman ang dulo ng bahaghari. Iiwan na

sana

kita para ituloy ang “quest for the next carbon dioxide filter” pero naisipan mong makisabay.

Magkaibang direksyon ang pupuntahan natin. Pero mapilit kang malungkot maghanap mag-isa, e bored din ako kaya sige na nga. Sa paglalakad, may nakita tayong modeling clay, ayos, libangan. Libre na, malaki pa yung clay, iba iba pang kulay, hati tayo. Habang naglalakad, unti unti nating hinuhulma ang clay, magkatabi tayong gumawa ng kung anu-ano. Minsan seryoso, minsan galing sa outer space. Unti unti nating nagawa ng mumunti nating mga obra. Pag kapos, hiraman ng kulay na kailangan. Tagal din pala nating nalibang, layo na ng nalakad natin. Nawala na halos sa isip ko na naghahanap nga pala ko ng halaman, non ko narealize na hindi naman ako masasamahan ng halaman sa mapanganib na kalsada. Saka puno na ang kamay ko sa mga ginawa ko kanina, mga munting plano na balang araw sana magawa kong palakihin, di ko na kaya ang dagdag na bigat. Yoko muna ng halaman, Samahan na lang muna kitang hanapin ang dulo ng bahaghari, basta balatuhan mo ko ng gold coins ha? Kahit pambili lang ng Sony Bravia. Di ka pa rin tapos gawin ang obra mo, naghihintay ka pa kamo ng magtutuloy nyan para sayo? Gudlak.

May natira pa rin akong clay, di ko pa lam kung san gagamitin, marami pa naman siguro kong oras. Pero pano kung topakin nanaman si Manong Ted? Pano kung dumating yung may ari ng clay tas bawiin? Pangangatawanan ba ang banal na kasabihang “Finders keepers, losers weepers” o magpapakabait nanaman ako at isosoli ang hindi naman akin?