pinaiyak mo na ko noon, pinaiyak mo nanaman ako ngayon…
hay. masakit nanaman ang mata ko dahil sa tubig-alat na walang paalam na dumaloy. walang pasabi, kaunting sutsot ay nariyan na, hindi manlang nagpapilit ang mga luhang excited na naghabulan palabas sa mata ko. bawat patak tila siyang-siya dahil pagkatapos ng mahabang panahon, pinakawalan ko na sila. masaya na ba kayo ngayong nakita na ninyo ang mundo sa labas? kung hindi kayo masaya, pasensyahan tayo dahil hindi ko na kayo papayagang muling bumalik sa kanlungan ng loob ng mata ko, gusto nyo dyan, magdusa kayo. hindi masaya sa mundo, may konting saya pero mas madalas puro kamalasan.
ilang linggo din akong nagpakahirap panatilihing nakabukas ang mga mata kong kung makikita ngayon ay papasa nang pang-adik. pula, maitim ang paligid at wari mo’y laging inaantok ngunit dilat na dilat.
pinakamasakit sa lahat ay ang umasa. ang paghandaan ang isang bagay ng buong tyaga, dahil na rin sa mahigpit na pangangailangan, tapos hindi naman darating. haynako. maraming tao na ang apektado. marami ang umaasa dahil yon na ang magiging daan upang masilayan ko ang liwanag ng kinabukasan. sa apat na taon ko ng kolehiyo, pinaiiyak mo ako. hindi pa nga ako opisyal na studyante, napaiyak mo na ko ng halos 24 oras. hindi naman kita masisi dahil ganyan ka na ginawa, wala rin akong magawa dahil ikaw ang kahinaan ko. oo. ikaw ang kahinaan ko. kahit kelan di ako maka-usad sa buhay ko dahil hanggang ngayon ay dinadala pa rin kita. wala man lang pa-kunswelo. kahit kelan ay hindi kita minahal, pero pinilit ko pa ring matutunan dahil alam kong iyon lamang ang daan upang malampasan kita.
madalas kong itanong kung ano bang ginawa kong sobrang sama at nagkakaganito ako sayo. alam kong marami akong pagkukulang pero kalabisan na ang ginagawa mong pagpapa-importante. hindi ka naman pangunahing pangangailangan sa patuloy kong pamamalagi sa lupa ngunit ikaw ang nananatiling hadlang sa mga bagay na gusto kong makuha. hindi ba pwedeng palampasin mo na lang ako sa paningin mo? maghanap ka naman ng mas bata na pwede mong pagtripan kasi malapit na kong maiwan ng byahe ko. bitawan mo na ko, utang-na-loob.
tumigil na pagluha ang mga mata kong sa awa ng dyos, hindi masyadong namaga. hindi gaanong kailangang magpaliwanag sa mga nakakapansin ng pamumugto dahil isang baha nanaman ang katumbas ng muling pag-alala sa mga pangyayari. ayokong gumuho ang pundasyon ko dahil sa madalas na pagbaha kaya ipinapaubaya ko na lang sa mabigat kong puso ang pagluha.
buong araw na mabigat ang bawat hakbang ko kaya naman minumura na ko ng tsinelas kong pudpod na sa kalilibot ko sa campus. sinimulan ang linggo ng panira, hindi ko alam kung paano ako tatagal. isama pa natin ang pinaka-ayaw kong gawa-gawaang okasyon sa taon, badtrip. buti na lang may gagawin ako sa araw na yon, may ka-"date" na rin. hay. tigilan mo na ang pagpapaiyak sa akin…MATH11.