ang lungkot, basta na lang dumarating…

dinalaw na lang nya ko bigla kanina. nakakapikon. dapat hindi ko na lang ginawa, dapat hindi ko na lang tinignan. dahil lang sa ilang pirasong papel, tumagas ang tubig sa mata ko, dahil lang sa ilang pirasong papel, hindi ko na mahanap ang ngiti ko.

mahirap ipaliwanag ang pakiramdam ng lungkot. siguro iba-iba tayo ng nararamdaman na lungkot pero kapag sinabi mo na malungkot ka, alam ng iba kung ano ang tinutukoy mo.

ang lungkot para sa akin ay ang kaiba kong relasyon sa aking sarili, yung tipong ako lang talaga ang nakakaintindi. may basta napadaan lang, pero may iba namang hanggang sa pagtulog kung matripan akong samahan. mabigat sa dibdib. parang nakatapak sakin ang paa ng isang higante at naka-pwesto sa lalamunan ko ang hinlalaki nito. mahirap huminga. hindi ako makapagsalita. basta na lang lalabas ang mga luhang hindi naman imbitado. lalabo ang tingin ko sa mundo habang habol ang paghinga sa gitna ng mga hagulgol. parang gabing malamig tapos nung hinila ko ang kumot para itakip sa katawan ko ay doon pala galing ang lamig. walang pampaganda ng pakiramdam na dulot ang akala kong kalinga. walang dala ang kumot kundi dilim. dilim kung saan maari kong itago ang lahat ng kahinaan at kaduwagan ko sa mundo. panandaliang daigdig ko ang malamig na kanlong ng kumot. nagkakasyang kumapit sa pekeng pagmamahal nito.

walang gamot sa lungkot. maaring ang gamot ay nasa kamay ng ibang tao. ibang tao na kahit hindi maintindihan ang bigat ng dala mo, pakikinggan ka pa rin. kahit paano tutulungan ka nilang buhatin at itapon ang higanteng nakatapak sa dibdib mo at hihilahin ang kamay mo upang muling makabangon. ayos lang na kaunti lang ang kaibigan ko sa earth, ang mahalaga, lahat sila may kwenta. salamat kung kabilang ka sa kanila…

Leave a Reply