Archive for May, 2006

memoirs….

Thursday, May 11th, 2006

Ang taga-gising ng Araw

Ang Lola ko ang isa sa mga pinaka-importanteng tao sa mundo.

Bakit?

Dahil s’ya ang gumigising sa araw tuwing umaga.

Ako ang unang apo ni Lola. Kaya naman ako ang paborito n’ya, lahat binibigay n’ya sa ‘kin – pati na ang sikat ng araw.

Sakitin ako nung maliit pa, kaya madalas akong ginigising ni Lola nang maaga at lumalabas ng bahay para masikatan ako ng araw, para daw lumusog ako.

Madalas kong isipin kung pano ba nagkakaron ng araw. Bakit kaya tuwing ilalabas ako ni Lola sa umaga siguradong sisikat ang araw? Siguro ginigising ni Lola ang araw para masikatan ako ng masustansyang sinag nito. Tama! Si Lola ang taga-gising ng araw!

Ang galing naman, sa bahay namin nakatira ang isa sa pinaka-importanteng tao sa mundo. Pano naman, kung wala ang Lola ko para gisingin ang araw, naku, didilim sigurado ang buong mundo! Kaya laking pasalamat ko at nandyan lang ang Lola ko para sa araw-araw ay gisingin at pasikatin ang araw.

Marami pang ibang benepisyo ang araw.

Tinutuyo nito ang mga damit na nilabhan ni Ka Merly.

Tinutuyo nito ang isda para maging daing at maitabi para may isdang makain kahit kokonti ang mahuli ng mga mangingisda.

Tinutuyo nito ang sobrang tubig pagkatapos ng ulan.

At ang pinaka-importante sa lahat, pwede kaming maglaro sa labas kapag may araw.

Pero may mga ayaw din ako tungkol sa araw.

Tinuyo nito ang clay na naiwan ko sa labas nung naglaro kami.

Nasunog nito ang balat ko nung nagpunta kami sa beach, mahapdi pag nahahawakan!

Masyado itong umiinit kapag tanghali na kaya pinapatulog kami at bawal maglaro.

At ito din ang nagpapadami ng kuto ng mga kalaro ko kasi hindi sila palaging natutulog sa tanghali, naglalaro lang sila.

Isang umaga, hindi nagising ang araw. Lalabas

sana

ako kaso madilim at may kulog pa. Nakakatakot! Pumunta agad ako sa kwarto ni Lola. Nagulat ako nung nakita kong tulog pa rin s’ya.

Nakita ko si Mama na may dalang sopas. Napaisip tuloy ako, sinong may birthday? Napansin ko na yung sopas na dala ni Mama ay yung kapareho nung pinapakain n’ya sa ‘kin pag nao-ospital ako. Tapos may nakita din akong gamot nung nilapag n’ya sa mesa yung dala n’ya.

May sakit ang Lola ko. Kaya naman pala hindi n’ya nagising ang araw.

Ako ang nagpakain ng sopas kay Lola. Hinihipan ko muna tapos tinitikaman ko kung hindi na mainit bago ko isinusubo sa kan’ya. Naubos na ang sopas, busog na kami ni Lola. Biglang umingay sa bubong, naku, umuulan na pala!

Kinabukasan ay ginising uli ni Lola ang araw pero hindi n’ya ko sinamahang lumabas ng bahay. Nagpaaraw ako sandali at hindi muna ako nakipaglaro sa mga kapitbahay namin. Baka kasi lumipad yung kuto nila sa ulo ko, saka kelangan kong samahan si Lola sa loob ng bahay.

Ilang araw nang ginigising ni Lola ang araw na hindi lumalabas ng bahay. Hanggang isang umaga, madilim nanaman sa labas. Nakalimutan ba uli ni Lola na gisingin ang araw? Binilisan ko ang pagbaba sa hagdan, nadulas pa nga ako sa huling hakbang pero hindi na ko umiyak kasi hindi naman masakit.

Pinuntahan ko sa kwarto si Lola at nakita ko doon si Mama at ang mga tito at tita ko. Tapos umiiyak sila. Bakit sila umiiyak? Tumigin ako sa

kama

ni Lola, tulog pa rin s’ya. Bakit kaya walang gumigising sa kanya? Iyak lang sila ng iyak kaya ako na ang lumapit, tapos tinapik ko ng konti ang kamay ni Lola.

“Mame? Mame, gising na, umaga na po. Gigisingin nyo pa ang araw.,” sabi ko.

Pero hindi ako pinapansin ng Lola ko. Inulit-ulit ko ang pagtawag sa kan’ya pero hindi pa rin n’ya ko pinapansin. Naiyak na din ako kasi sabi ni Lola ako daw ang paborito n’yang apo, e bakit di n’ya ko pinapansin?

Nilapitan ako ni Mama at sinabing matutulog daw ng matagal si Lola, nalimutan na n’ya ang paghinga kaya ngayon aakyat na s’ya sa langit. Umiyak ako ng umiyak. Kala ko ba s’ya ang pinaka-importanteng tao sa mundo? Sino na ang gigising sa araw?

Kinabukasan ay inihiga nila si Lola sa magandang kamang mukhang kahon. Kahit tulog si Lola naka make-up pa rin s’ya. Sa loob ng tatlong araw na tuloy tuloy ang tulog ni Lola, bumabangon ako ng maaga para gisingin ang araw.

Pagkatapos ng apat na araw, madami biglang tao sa bahay, wala namang may birthday kaya nagtaka ako kung bakit.

Nagpunta kami sa simbahan dala ang magandang

kama

ni Lola. Sabi ni Mama, ihahatid na daw namin s’ya sa langit. Buhat ako ni Papa habang nakasunod na naglalakad sa kotse na sakay ang

kama

ni Lola. Bakit kami naglalakad samantalang s’ya naka-kotse?

Naalala ko, si Lola nga pala ang pinaka-importanteng tao sa mundo kaya s’ya naka-kotse papuntang langit.

Nagtaka ako nung sa sementeryo kami tumuloy. Akala ko ba sa langit ang punta ni Lola? Yun pala, sa sementeryo yung antayan ng mga pupunta sa langit at dapat nasa magandang kama,

gaya

nung kay Lola, sila nakahiga. Iyak nang iyak ang mga tao, pero bakit umiiyak e maganda naman daw sa langit? Dapat masaya tayo pag pupunta na yung mga taong mahal natin sa langit. Pagkatapos namin ihatid si Lola, umuwi na kami.

Kinabukasan, tahimik ang bahay. Tanghali na ‘ko nagising. Nagtaka ako na kahit wala na si Lola sa bahay, nagising pa rin ang araw. Pumunta ako sa kwarto ni Lola pero naalala ko, wala na nga pala s’ya don.

Hindi ako sanay na wala ang Lola ko. Gusto ko s’yang makita uli. Gusto ko din pumunta sa langit para kasama ko na uli ang Lola ko. Sinubukan ko na din matulog nang matagal, baka malimutan ko din ang paghinga, pero pumapasok nang kanya ang hangin sa ilong ko. Ilang araw akong hindi lumabas at naglaro dahil galit ako sa araw.

Bobo kasi ang araw, tamad, hindi n’ya kayang gumising mag-isa. Kinailangan pa s’yang puntahan ng Lola ko sa langit para tapikin ng marahan at gisingin.

Lumipas ang ilang araw, sinipon ako kaya kinailangan kong magpa-araw kahit na ayaw ko. Nung nawala na ang sipon ko, saka ko lang naisip na kaya sinamahan ni Lola ang araw ay para hindi na ko ulit magkasakit. Mahal na mahal talaga ako ng Lola ko!

Inisip din siguro n’ya ang iba pang mga bata na kailangan ang sikat ng araw para lumusog.

Ang Lola ko talaga ang isa sa mga pinaka-importanteng tao sa mundo…at pati na din sa langit.

hehe… dahil love ko sya.

Thursday, May 11th, 2006

Nagkalat ang mga Super Villains sa paligid natin. Lahat sila may kapangyarihang kahit anong gawin mo, kung ordinaryong tao ka, ay hindi mo kakayanin. Hindi na kailangan ng costume, sa powers na lang, taob ka na. Kung titignan, mga pangkaraniwang tao lang sila, but no, wag mo silang pipilitin na gamitin sa yo ang powers nila dahil tiyak mabubura ang pangalan mo sa listahan ng populsyon sa sensus!

Ang unang featured hero natin, si Sonic Bungz: May boses na kapag nasa medium ang volume, madidinig mo hanggang Pluto at madidinig mo pa ang echo. May buil-in megaphone at woofer sa lalamunan na hindi pa naiimbento ng Dolby o Pioneer ang makakatalo.

Sa biglang tingin ordinaryong tao lang s’ya. Nagtatrabaho, may premature wrinkles, medyo mataba dahil nanganak na, mukhang mas matanda kesa sa tunay na edad, at may tatlo hanggang limang anak. Galing ang kapangyarihan nya sa kunsumisyon sa mga anak. Espesyal ang kakayanang ito upang mapagana ng maayos ang mga anak na pinagsisisihan nyang ginawa pa nya. Pinakamalakas ang bisa nya tuwing umaga, gigisingin nya ang mga batugang bata na nanood ng tv hanggang madaling-araw kaya hindi makabangon sa umaga.

Tatlong levels ang pwedeng lakas ng boses:

Una, normal na boses.

Kapag ito ang unang maririnig mo sa umaga, asahan na ang bahagyang pagsimangot at ginhawa dahil tumalsik na palabas lahat ng potential na tutuli in the making. Pwede ka pa ring hindi bumangon pag ito pa lang ang nadinig mo, as long as your door is locked, you’re safe – so far.

Pangalawa, medium volume.

Gaya ng sinabi ko kanina, kung sa Pluto kayo nakatira maririnig nyo to. Karaniwang lakas sa pangalawang tawag nya sa pangalan nyo para gumising. Nakakapanindig balahibo. Iharang ang kamay at kahit anong maaring ipantakip sa tenga kundi ay tatalsik palabas ang utak nyo, at believe me, mahirap nang ibalik yan sa loob. Tiyaking matibay ang pinto dahil similar kay big bad wolf ang effect nyan, she’ll huff, and she’ll puff and she’ll blow your door in.

Pangatlo at pinakamatindi sa lahat, the full force.

Talagang matindi ka kung nakaabot ka sa stage na to. This is where the fight for dear life starts. First syllable pa lang ng pangalan mo ang naririnig mo, tumalon ka na at magkunwaring nagliligpit ng hinigaan mo dahil sa unang letra pa lang ng pangalan mo ay gumiba na ang walang kwentang pinto ng kwarto mo dahil sa lakas ng impact. Kung kaya mo yung signature move ni Tom Cruise sa Mission Impossible aba’y pinagpala kang bata ka! Pero kung hindi, your dead meat! Hindi ka pwedeng magtago sa pinaggalingan mo dahil sya yun. Maghanap ka na nang kakapitang matatag kung gusto mo pa ring tawaging Eartling for the rest of your existence dahil kaya ka nyang dalhin sa Jupiter sa isang sigaw lang. Makakatulong din kung tatawagin mo lahat ng santong kilala mo, ako nung isang beses pati si Satanas muntik ko nang tawagin. Labanan ang panginginig ng tuhod, isipin mong hindi ka nya papatayin dahil mahal magpalibing ngayon. Hayaan mo lang syang matapos sa two-hour sermon nya at makakahinga ka na. Pero mare-realize mo na hindi permanente ang saya ng buhay dahil may sequel ang sermon na ito sa gabi bago ka matulog.

Pano maiiwasan ang mga engkwentro sa Super Villain na ito? Here are some Survival Tips:

1.      Matulog ng maaga.

2.      Gumising ng maaga.

3.      Kung napagalitan ka na nung nakaraang umaga, aba, wag maging tanga, umayos ka na for 2 days after the encounter at titigilan ka na nya. Pagkatapos nun, pwede ka nang bumalik sa nakasanayan mong buhay.

4.      Magluto ng gusto nilang pagkain, maglinis, gumamit ng “po” at “opo”, in short, magsipsip ka hanggat kaya ng powers mo.

5.      Kung isa ka sa mga matitinding nilalang na umabot sa stage three, wag mag-alala, may ibang sagot bukod  sa suicide. Tiisin mo ang sermon sa umaga, hanggang two hours lang ang itinatagal ng average na sermon, however, it may feel as if two years ang dumadaan at nalilipasan ka na ng kabataan mo. Pano tatagal? Think of happy thoughts, tumitig sa sahig, humanap ng langgam o kahit anong gumagalaw at panoorin ang galaw nito sabay pasimpleng tapakan at patayin, ibuhos mo sa langgam ang inis.

6.      How to avoid the sequel sa gabi? Madali lang. Magkulong sa kubeta pag andyan na siya. Magdala ng babasahin o anumang libangan. Tantsahin kung gaano siya kapagod, kung hindi masyado, magdala ng pagkain sa loob dahil good luck sayo kung lalabas ka ng wala sa timing. Mabuti na rin ang sigurado, hindi magandang venue kung sa kubeta makikita ang bangkay mong namatay sa gutom. Ideal ang step na ito kung dalawa ang kubeta nyo, pero kung iisa lang, magtago sa lugar ng bahay na Malabo nyang puntahan gaya ng bubong (sorry ala ka nang choice!).

Ayan mga tsong. Dito na lang muna, abangan ang iba pang Super Villains in everyday life. Kung may iba pa kayong alam na survival tips, feel free na mag dagdag, sinu-sino pa bang magdadamayan kundi tayong mga biktima. Hekhekhek.

Coming up…

            Segunda Pakshet…