BANGENGE….

           Nakakabangag pag umuulan… ang damot nya, gusto nya sya lang ang nadidinig mo, bibingihin ka nya ng nakaeengganyong mga salitang sobrang paniniwalaan mo… hindi mo mapipigilang makinig, maniwala, matangay… pilitin mo man syang hindi pansinin ay di ka nya titigilan, lulunurin nya ang lahat ng iba mo pang maaring madinig… hindi magtatagal sanay ka na sa presensya ng ulan, ang nakakikiliting pakiramdam ng lamig na dulot nito sa iyong katawan habang nakahiga ka sa kama at balot ng kumot o kung anu pa mang ginagawa mo sa mga oras na yon.

           madalas gusto kong lumabas tuwing may ulan, gusto kong lunurin lahat ng emosyon sa masarap na pagkabinging kayang ibigay nito… minsan uupo ako sa gitna ng kalsada habang hinahayaang ipaghele ako ng ulan, gusto ko ring maranasang tanglawan ng liwanag ng kidlat habang ginagabayan ng boses ng kulog…

            mahirap nang kumawala sa yakap ng ulan lalo na kung nasanay ka na sa samu’t-saring sensasyon na ito lamang ang maaring magbigay… mangaligkig ka man sa lamig ay hindi mo na mapapansin, hindi mo na magagawang matakot sa pinsalang maaring idulot kung sakaling tamaan ka man ng kidlat… ang mahalaga ay masulit mo ang panahon mo kasama ng ulan dahil alam mong hindi ito panghabang-buhay…

            masaya ako sa piling ng ulan… lulong nako sa mga sensasyong ibinibigay nito sa akin… kaya nabigla ako nang kagyat itong tumigil… hindi ko alam ang gagawin ko… nanatili ako sa gitna ng kalsadang aking kinauupuan habang umaasa na ito ay muling babalik upang pawiin ang aking pagkauhaw dito… pero nabigo ako… kasunod ng sunud-sunod kong pagbahing ay ang unti-unting pagsilip ng mayabang na araw upang tuyuin ang anumang bakas na iniwan ng pinakamamahal kong ulan… siguro nga ay may paraan upang malimot ko ang sayang dulot sa akin ng ulan… hindi ko maaring hayaan ang sarili kong diktahan ng ulan kung kailan lamang ako maaring sumaya… siguro dapat ay humanap din ako ng kasiyahan sa ilalim ng init ng araw…

      sinubukan kong bumili ng payong… kala ko kaya akong protektahan nito sa mapang-asar na araw… may proteksyon ngang naibigay ang payong pero bahagya lang… tuwing nababasa ng pawis ang likod ko naalala ko ang ulan… sa ilalim ng ulan wala akong pakialam, pwisan o umiyak man ako wlang makakapansin… sa ilalim ng ulan kaya kong alisin lahat ng proteksyon at magpaubaya, lhat ng kahinaan ko ay nakita na ng ulan… hindi solusyon ang payong ngunit kahit papano naibsan ang pagkasunog ko sa ilalim ng araw…

      ngayon wala nakong pakialam… mabilad na ‘ko kung mabibilad pero di nako magpapayong kapag umaaraw… hindi ko dapat taguan ang init nitong hambog na araw… konting panahon na lang hindi ko na iindahin ang masakit na init nito… wala na rin akong pakialam kung uulan uli… hindi nako magbababad sa ilalim nito… ayoko nang mabasa… magtitigil na lang ako sa loob ng bahay at matutulog… umulan ka man, kumidlat, kumulog, tumila, wla nakong pakialam… wag ka nang babalik, tangna ka….

2 Responses to “BANGENGE….”

  1. DRAGONESA Says:

    haha, eto talaga… adik talaga to…

  2. Nerissa Says:

    akalain mo yon ate, talentado ka pla? at madrama ka din! adik pa! alam kong sensitive ka pero in a negative way ang pagiging sensitive mo e… diba? wahehehehe! pero ate… may balak kang paiyakin ako! salbahe ka!!! xp

Leave a Reply