umuulan ng kapok, naalala kita bigla…
Sunday, May 8th, 2005Puno ng bulak ang field. Mag-isa ako dito sa ilalim ng puno na di ko alam kung anong tawag. Mukha akong tanga, naka-tulala sa malayo. Pano naman kahit san ako bumaling eh mga mag-jowang mushy ang nakikita ko, nakakainit ng ulo! Korek, ganun ako ka-bitter, makakita lang ng mag-jowa naiirita na. Naalala ko kasi, noon dalawa tayong umo-okray sa kanila, boa constrictors pa nga ang term natin sa kanila. Naisip ko lang mas jologs tayo noon kesa sa nakikita ko ngayon, kase nasa gitna tayo ng field non, tas namamayong. Hawak mo si payong sa isang kamay tapos nakaakbay sa balikat ko yung isa, sobrang init non pero magkadikit tayo. Sabi mo pa nga, kahit forever naka-bilad sa ganong init ayos lang basta ako kasama mo. Sinabi mo rin siguro sa kanya yun pag dumadaan kayo sa part eng field kung san namatay na yung mga damo sa kakatapak ng mga tao nun pa man, tapos pinupunasan mo rin agad ang pawis nya pag tumutulo na. Pwede rin na ako lang ang babaeng burara na walang pakialam sa itsura ko kahit tagaktak na talaga pawis ko… napangiti ako nung naisip ko yun saka nagpatuloy sa pag-e-emote.
Dumidilim na, patuloy pa rin sa pagsayaw ang bulak sa tugtog ng hangin, tugtog na sana naririnig ko rin para makasabay sa paglalaro nila. Gutong-gusto ko nang tumayo at magsasayaw na parang baliw kasabay ng mga bulak para manlang makatakas kahit sandali sa pagkakakulong sa mundong ginawa natin na magkasama. Lumalamig na, sana andito ka pa rin kasi kahit sa north pole pa ko tumira basta ikaw ang kasama ko kaya ko siguro. Nangangatal na ang baba ko, sandali akong pumikit upang pakiramdaman ang sakit at ginhawang dulot sa katawan ko ng lamig. Pagdilat ng mata ko, medyo lumabo na ata, mali, sobrang lakas na pala ng ulan, nakakahilam sa mata. Hinanap ko ang mga bulak na kanina lang ay umaaya sa akin na sumayaw kasama nila, pero makailang ulit man akong bumaling sa lahat ng direksyon, di ko sila makita. Napayuko ako sa panghihinayang, nakita ko silang lumalangoy, hinahayaan ang tubig na dalhin sila kahit san nito gustuhin. Sinaway na sila ng galit ng ulan sa kanilang maharot na sayaw. Nakita ko ang sarili ko sa bulak, sobra sobra ang sayang dulot mo sa buhay ko noong mga panahong ikaw ang kasama ko. Masaya akong nakalutang sa hangin at sumasayaw sa saliw ng tugtog na sinasabayan ng kantang hindi ko naiintindihan ang salita. Ang pambihirang kalayaan ko kapag ikaw ang kasama ko, ang kaalamang kahit ano pang itsura ko andyan ka lang para bolahin akong ako lang ang pinakamaganda kahit mukha nakong taong grasa.
Patuloy sa pangangatog ang ngipin ko, mapipilitan na sana akong tumayo nang may nakita akong dalawang taong namamayong sa di kalayuan, nakakaasar, magkayapos pa sila halos. Nang medyo malapit na sila sa kinauupuan ko parang luminaw ng kaunti ang hitsura nila, tama nga ang hinala ko, kayo nga yun. Kasyang-kasya sya sa palibot ng braso mo, siguro nga kayong dalawa ang dapat magkatuluyan. Sa pagkakita ko sa inyo, parang tumigil ang buhos ng ulan bagaman naririnig ko pa rin ang mga patak.
Sa patuloy kong pagmamasid sa inyo di ko namalayang nakatayo na pala ako at parang nawala na nang bahagya ang lamig na dulot ng ulan. Sa pagtulala ko sa inyo hindi ko namalayang nasa likod ko na sya, tahimik akong tinitignan habang tumutulo ang luha at sipon sa tahimik kong paghikbi sa nakita ko. Hindi ko rin napansing may payong na sa ibabaw ng ulo ko at may panibagong mga braso na sinasandalan ang katawan kong nanlalata.
Namalayan ko lang na nandyan sya ng lumampas na kayo at bumagga ako sa kanya sa aking pagtalikod. Sa lahat ng sakit na binigay mo sakin, sa lahat ng iniluha kong nakapagtatakang hindi ako na-dehydrate, sa lahat ng gabing nag-eemote ako sa pagkawala mo, andyan sya. Sya ang gumagamot sa lahat ng sugat, nagpupunas ng luha at sipon kung meron at sya rin ang nag-uuwi sakin tuwing nagpapakalango ako sa alcohol. Sya ang pumupulot sa mga piraso ng buhay kong nalalaglag tuwing makikita kitang sya ang kasama. Bakit ba ngayon ko lang napansin? Malamang baliw nako ngayon kung wala sya, sya lang ang matyagang nakikinig sa lahat ng sinasabi ko. Lahat ng ginawa mo para sakin non nagawa na rin nya, nahigitan pa nga. Di ko rin alam kung anong nakita ko sayo kung bat ako nagkaganito, di ko alam kung anong tawag sakin, tanga ba o bulag? Siguro pareho na lang.
Malamig na uli. Di ko na namalayan na naihatid nya na ko sa bahay. Malabo na paningin ko saka para kong nahihilo, inaantok nako. Siguro pagtila ng ulan sya na ang mahal ko. Mapilit ang antok, mahirap kalabanin ang namimigat na talukap, itutulog ko na lang muna siguro baka sakaling mawala na lahat ng nararamdaman ko para sayo sa muling pagbungad ng liwanag sa mata ko.